Magandang araw mga ka-PECCI,
Ang inyong pamunuan ay nakatanggap at kasalukuyang nakakatanggap ng maraming
katanungan tungkol sa maliit na dibidendong naipamahagi natin, bunga ng kinita ng ating kooperatiba
noong taong 2020.
Hindi man namin masasagot isa-isa ang inyong mga katanungan, minarapat naming maglabas
ng advisory na ito para sagutin ang karaniwang mga tanong na aming natatanggap:
Bakit maliit ang dibidendo ngayong taon kumpara sa mga nakaraan?
Ang dibidendo ay nanggagaling sa kinita (revenue) ng ating kooperatiba, pagkatapos
bawasin ang mga gastusin (expenses) at mandatong pondo (statutory funds). Kung malaki ang ating kinita,
malaki din sana ang ating dibidendo. Maliit lamang ang kinita natin nuong 2020, kumpara sa mga
nakalipas na taon, kaya maliit din ang ating dibidendo.
Bakit maliit ang kinita natin nuong 2020?
Ang kita ng koop ay nanggagaling sa mga binabayad ng mga miyembro sa kanilang mga
utang. Nuong 2020, ipinagbawal ang gobyerno ng maningil ng mga pautang sa loob ng lima-at-kalahating
buwan (Bayanihan Acts I & II). Dahil dito, ang ating koop ay hindi nakasingil ng mga pautang nito sa
halos kalahating taon.
Hindi naman buong taon bawal manigil. Bakit hindi kayo naningil nung pwede na?
Tama po yan. Isang option po yan. Kaya lang po, minabuti ng inyong pamunuan na
i-extend na lamang ang term ng mga pautang, kaysa sa maningil ng nagkapatong-patong na amortisasyon,
para hindi na makadagdag ang Pecci sa mga ibang gastusin ng mga miyembro. Ang hindi nasingil ng PECCI
ay nakatulong sa mga miyembro para sa pagbayad ng kanilang mga naipong bayarin sa iba tulad ng kuryente,
tubig, internet, housing loans at mga utang sa iba pang mga kooperatiba.
Bukod sa hindi nakasingil sa pautang, anu ano pa ang mga bagay naka-apekto sa maliit na dibidendo?
Bukod sa bumabang koleksyon, kumonti ang mga nangutang sa ating koop. Dahil tuloy-tuloy ang sweldo ng
mga payroll members natin (walang deductions) at sarado ang mga eskwelahan, restoran, pasyalan at iba pang karaniwang
pinag-ga-gastusan, lumiit ang pangangailangan ng miyembro natin ng dagdag na pera.
Ang alam ko, milyun-milyon ang pera ng Pecci, bakit maliit ang dibidendo?
Totoo po, meron po tayong sapat na pera, para sa ating operasyon. Subalit hindi po ito pwede ipamahagi
bilang dibidendo. Ang dibidendo ay base lamang sa halaga ng kinita ng isang kooperatiba sa taong iyon.
Maliit pala ang kinita, bakit tuloy pa rin ang paggastos sa mga seminars?
Ang mga seminars po na sinasagawa ng ating Education and Training at ng Gender and Development
Committees ay mandato po ng CDA, at hindi pwedeng hindi gawin. Mawawala po ang ating "tax-exempt" status kung hindi po
natin isakakatuparan ang mga alintuntuning ito ng CDA. Ang mga gastusin po mga gawaing ito ay kinukuha sa Statutory
Funds at hindi nakaka-epekto sa ating dibidendo.
Ano po ang ginawa ninyo para makaiwas sa epekto ng pandemic ang ating koop?
Ang iyong pamunuan ay nagsagawa ng mga hakbangin para maski papaano ay gumaan ang epekto ng pandemic na
ito sa ating operasyon.
Ilan dito ay ang mga sumusunod:
• Contact-less application para sa mga nangangailangang mangutang.
• Online payment ng mga pautang para sa convenience at safety ng mga miyembro.
• Cash rebates (balik bayad) para sa mga nagkusang nagbayad ng kanilang mga utang
duon sa panahon na pinagbabawal ito.
• Paglabas ng COVID assistance loans at zero-interest COVID loans.
• Pag-extend ng loan terms sa mga hindi nakabayad para hindi na makabigat ang Pecci
sa inyong mga gastusin sa mga panahong ito.
• Pagbawas ng mga honoraria at meeting allowances ng mga Officers, mula Board of
Directors, Executive Officers at mga Committees.
• Pagbawas ng interest sa savings deposit ng mga miyembro na hindi nangungutang sa
ating koop.
Ilan lamang ito sa mga hakbangin na ipinatupad ng inyong pamunuan para makaiwas sa
matinding epekto ng pandemic na nararanasan natin ngayon.
Totoo po ba na nalulugi na ang ating koop?
Hindi po yan totoo. Matatag po ang ating koop. Kaya lang po maliit ang kinita natin
nuong 2020 ay dahil halos kalahating taon tayo hindi nakasingil ng pautang. Hindi po tayo nag-iisa.
Karamihan ng kumpanya sa buong mundo ay nakaranas ng pagbaba ng kita dahil sa pandemic. Hindi naman po
nawala ang kitang ito. Lahat po ng hindi kinita nuong panahon na bawal mangingil ay mababayaran din at
papasok sa kaban ng Pecci pag nag-mature po ang mga ito.
Kailan po ipapamahagi ang Audited Financial Statements at Annual Report?
Kasalukuyan pong tinatapos ang mga ito at aming ipapamahagi sa lalong madaling
panahon. Habang wala pa, nasa ibaba ang summary ng ating kinita ang pinagkagastusan nuong 2020 at 2019:
...
May nagsabi po na ang mga Officers ay hindi dapat tumanggap ng anu mang allowances
kapag hindi kumita o maliit ang kita ng kooperatiba na pinamumunuan nito. Tama po ba ito?
Tama po yan. Sa katunayan, mula nuong January 1 ay wala na pong natatanggap na
allowances ang inyong pamumuan at kung meron man, ito ay ibinalik na o kasalukulang binabalik na
sa kaban ng Pecci. Ngunit katulad din ng ibang mga kooperatiba, tayo po ay sumulat sa CDA upang
tanungin kung ang probisyon na ito ay dapat ipatupad gayung ang pagbaba ng kinita ng mga koop na
ito ay hindi naman kontrolado o kagagawan ng mga namumuno dito. Wala pa pong sagot ang CDA dito
ngunit nais naming ipaalam sa inyo, mahal naming mga miyembro, na ang inyong pamunuan ay handang
maglingkod sa ating kooperatiba maski walang honoraria o ano pa mang allowances. Kami po ay
nandito para pangasiwaan ng mahusay ang ating koop alinsunod sa nakatakdan at sinumpaan naming mga
tungkulin.
Ano po ba ang dapat gawin ng mga miyembro para makatulong sa pag-unlad ng
ating koop?
Ang mga miyembro ay may tatlong pangunahing obligasyon sa ating koop.
• Tuloy-tuloy na pag-contribute sa kapital
• Makilahok sa mga programa ukot sa pag-iimpok
• Tangkilikin ang mga serbisyo at produktong mga pautang
Hindi po tumitigil ang inyong pamunuan sa pagpo-promote ng mga adhikaing ito at
malaki po ang maitutulong ng mga miyembro kung ang mga ito ay inyong susuportahan. Kung gusto po
nating lalo pang umunlad ang ating mahal na Pecci, lahat po tayo ay dapat tumangkilik sa mga
pautang at serbisyo nito. Nakakalungkot pong isipin, na karamihan ng mga tanong na aming
natatanggap sa maliit na dibidendo natin ngayon ay nagmumula pa sa ating mga miyembro na hindi
nangungutang. Magsama-sama po tayo sa pagsuporta sa ating koop para tuloy-tuloy ang ating
pag-unlad.
Ilan lamang po ito sa mga katanungan na aming natatanggap. Kung meron po kayong
iba pang katanungan, huwag po kayong mag-atubili na kami ay tawagan, i-email o i-text.
Pinagsasalamatan namin kayong lahat, lalong lalo na sa ating mga miyembro na
patuloy na tumatangkilik at sumusuporta sa mga programa at adhikain ng kasalukuyang pamunuan. Kayo
po ang nagpapapatatag sa mahal nating Pecci, kayo po ang aming inspirasyon sa pang-araw araw na
paglilingkod, kayo po ang dahilan kaya kami naririto.
Mabuhay po ang PECCI, mabuhay tayong lahat!
PECCI MANAGEMENT
Read more